Kaagapay Natin si Jesus sa Biyahe ng Buhay

Kaagapay Natin si Jesus sa Biyahe ng Buhay

Ang naganap na lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay labis na nakaapekto sa mga kababayan nating jeepney driver. Narito ang salaysay ng isang maybahay na pamamasada ng jeep ang pangunahing ikinabubuhay ng pamilya.

 

Isa akong dispatcher ng mga jeep sa Victory Central Mall noong 2011 nang maimbitahan ako ng kasama ko rin na dispatcher upang dumalo sa service ng Victory Caloocan. Hindi nagtagal at isinuko ko ang buhay ko kay Jesus. Malaki ang pasasalamat ko sa church dahil gumagaan ang pakiramdam ko tuwing dumadalo ako ng worship service at mas nakikilala ko ang Panginoon. Nagkaroon din ako ng maraming kaibigan. Ang asawa ko ay jeepney driver, at ngayon nga na may kinakaharap tayong lahat na malaking pagsubok, sa Diyos lang talaga kami kumakapit.

Nang magsimula ang lockdown at mawalan ng pasada ang asawa ko, hindi kami pinabayaan ng Diyos. Nagkaroon ako ng puwesto sa malapit sa amin at nakapagtinda ng almusal. Ilang linggo rin na iyon ang pinagkunan namin ng kabuhayan. Minsan may mga lumalapit na kaibigan namin na driver din at humihingi ng tulong dahil wala na silang makain. Mahirap talaga, lalo na kung malaki ‘yung pamilya at bata pa ang mga anak. Hindi mo matitiis na makita ‘yung mga anak mo na nagugutom.

Ngayon na anim na buwan na ang nakalipas at hindi pa rin bumabalik sa dati ang biyahe ng mga tao, marami sa mga kasamahan namin ang walang-wala na talaga. Wala naman kaming mga ipon at umaasa lang kami sa araw-araw na kinikita namin. Kaya naisipan ng mga driver sa grupo namin na mamalimos na sa kalsada. Isang araw, nagulat na lang ako dahil may tumawag sa ‘kin na pastor. Napansin daw niya yung mga namamalimos na driver, at doon na nga nagsimula ang plano na tulungan sila.

Noong nakaraang linggo, Setyembre 6, pinuntahan namin ang 48 na driver mula sa dalawang grupo ng mga driver dito sa Caloocan upang makapagbigay ng relief goods. Hindi lamang sila nabigyan ng makakain. Naipagdasal din sila ng mga pastor at mga volunteer. Napakalaking tulong nito para sa mga pamilyang apektado ng sitwasyon ngayon. Mahirap ang mawalan ng trabaho, pero mas mahirap ang mawalan ng pag-asa. Kaya labis ang pasasalamat naming lahat dahil ang mga ganitong tulong ay nagbibigay sa amin ng pag-asa na malalagpasan namin ang isang napakalaking pagsubok nang matiwasay.

                                    

Sa panahon ng pandemic, mahirap man o mayaman, lahat tayo ay nakararanas ng lockdown at naaapektuhan ng mga nangyayari. Para sa pamilya namin at sa iba pang mga pamilya na nasa pamamasada ng jeep ang ikinabubuhay, isa talaga itong napakahirap na sitwasyon. Kaya labis kaming nagpapasalamat sa lahat ng mga taong patuloy na tumutulong.

             

Dahil sa kanila nararamdaman namin ang pangangalaga ng Diyos at ang pagmamahal Niya sa amin at sa aming pamilya. Siya talaga ang kaagapay natin sa anumang paghihirap sa buhay. Hindi Niya tayo pababayaan.

Kayo, O Diyos ang tumutulong sa akin.

Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.

Salmo 54:4

Si Ruby ay 55 taong gulang at aktibong tumutulong sa ushering ministry ng Victory Caloocan.

Samahan ninyo kami sa pananalangin para sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng kawalan ng mapagkakakitaan ngayong panahon ng pandemic. Bilang isang iglesya, patuloy nating ipahayag at ipakita ang katotohanan ng ebanghelyo sa kanila.