ANG DIYOS AY TAGAPAGPANUMBALIK NATIN
“Ako, ang PANGINOON, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag. Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.”
Jeremias 29:10–14
Basahin din: Jeremias 33:10–13; Salmo 30; 1 Pedro 5:8–10
Ang propetang si Jeremias ay sumulat sa mga Judio sa Babilonia—ang mga pinaalis mula sa kanilang bansa. Sinabihan niya silang maghanda para sa pitumpung taong pagkabihag, na bunga ng pagsuway nila sa kautusan ng Diyos. Ang Diyos ay naging matapat sa Kanyang mga mamamayan, subalit nanatiling matigas ang kanilang ulo at kinailangan nilang harapin ang bunga ng kanilang kasalanan. Sa kabila ng kanilang rebelyon, ipinangako ng Diyos na bibigyan Niya sila ng ginhawa at tiniyak Niyang mananatili Siyang tapat sa kanilang kasunduan. Ang pagkabihag nila ay isang paraan ng pagdisiplina sa kanila at hindi pagwasak.
“
Higit pa sa pagpapanumbalik ng mga nawala sa atin, ang Diyos ay nagbibigay ng kaligtasan, katubusan, at kapayapaan sa lahat, malayo man o malapit sa Kanya.
Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabihan ng Diyos ang Kanyang mga mamamayan na magtayo ng mga bahay at magtatag ng mga pamilya habang sila ay nasa pagkabihag. Dapat din nilang hintayin ang kanilang pagbabalik sa kanilang lupain (Jeremias 29:4–9). Ipinangako ng Diyos na pananatilihin Niya sila. Ipinaalala Niyang mayroon Siyang magandang plano upang pagyamanin sila at hindi wasakin, bigyan sila ng pag-asa at magandang kinabukasan. Ang mga mamamayan ng Diyos ay tumugon nang may pagsisisi, at bumalik sa Kanya, at binuksan nila ang kanilang mga puso upang alamin ang kagustuhan Niya. Layunin ng Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang mga mamamayan ay maipakita Niya ang Kanyang katuwiran sa iba pang mga bayan, upang sila rin ay sumunod sa Kanya (Deuteronomio 4:5–8). Samakatuwid, dahil ang mga mamamayan ng Diyos ay nagbalik-loob sa Kanya, hindi lamang Siya nangakong ibabalik Niya sila sa kanilang lupain, kundi ipapanumbalik din Niya ang kanilang yaman gaya ng dati.
Hindi kalaunan, natalo ang imperyo ng Babilonia at bumalik ang natitirang mga mamamayan ng Israel sa kanilang lupain. Tinupad ng Diyos ang ipinangako Niya. Ngunit higit pa rito, ang dakilang plano ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng isang bagong kasunduan na natanggap nila dahil kay Jesu-Cristo. Sa halip na mga batas na nakasulat sa mga tableta, ang mga ito ay nakasulat na sa ating mga puso’t isipan (Jeremias 31:31–35). Sa halip na sunud-sunod na pag-aalay ng mga sakripisyo, nagkaroon ng kalayaan sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus at ng Kanyang muling pagkabuhay. Sa halip na kaligtasan para sa mga Judio lamang, nagkaroon ng kaligtasan na para sa lahat ng taong tumatawag sa pangalan ng Panginoon (Mga Hebreo 8:6–13).
Ang Diyos ay hindi lamang tapat sa pagpapanumbalik ng yaman ng Kanyang mga mamamayan. Kasama sa Kanyang mga dakilang pamamaraan ang pagkakaroon ng higit na pag-asa kay Cristo sa buhay na ito at sa walang hanggan.
HIGIT PA SA PAGPAPANUMBALIK NG MGA NAWALA SA ATIN, ANG DIYOS AY NAGBIBIGAY NG KALIGTASAN, KATUBUSAN, AT KAPAYAPAAN SA LAHAT, MALAYO MAN O MALAPIT SA KANYA.
MGA NATUTUNAN
Isulat ang mga naisip mo tungkol sa debosyonal ngayong araw. Ipanalangin na patuloy na mangusap sa iyo ang Diyos habang lalo mong pinag-iisipan ang mga ito.
PAG-ISIPAN
Isipin ang mga pinsala at sakit na pinagdaanan mo sa buong panahon ng pandemya. Ginagamit kaya ito ng Diyos bilang pagdidisiplina o pagsasaayos ng iyong espirituwal na buhay? Ano ang tugon mo sa mensahe ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias?
Naniniwala ka ba na tayo ay ipinapanumbalik ng Diyos sa Kanya? Paano ka kaya inihahanda ng Diyos upang tanggapin ang mas malaking biyaya mula sa Kanya at gawin ang mas marami pang bagay para sa Kanya? Paano ka lalapit sa Kanya nang buong puso at aasa sa Kanya araw-araw?
MANALANGIN
“Ako, ang PANGINOON, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag. Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.”
Jeremias 29:10–14
Panginoon, naniniwala akong may mas dakila Kang layunin sa lahat ng bagay. Nagtitiwala akong may plano Ka sa buhay ko. Naniniwala akong ang mga ito ay para sa aking kabutihan, at nais Mo akong pagkalooban ng magandang kinabukasan at pag-asa. Ipinapahayag ko ang pangangailangan ko sa Iyo. Umaasa akong maibabalik Mo ang lahat ng nawala sa akin. Ngunit higit pa dito, umaasa ako sa Iyo para sa aking kaligtasan at kapayapaan. Dalangin kong maipanumbalik, mapagtibay, at mapatatag Mo ako. Sa pamamagitan ng Iyong biyaya, araw-araw kong hahangarin ang Iyong presensiya at dakilang plano sa buhay ko, sa aking pamilya, sa aking bayan, at sa mundo. Sa pangalan ni Jesus, amen.